Tuesday, June 28, 2005

Pagninilaynilay


Martes na naman. Hindi ko man lang namalayang lumipas ang isa pang buwan. Walang nagbago. Walang nag-iba. Araw-araw, iisa lang ang takbo ng buhay ko...papunta saan? Ewan. Hindi ko alam.

Ang nakalipas na mga araw ay tila isang panaginip, mistulang eksena sa pelikulang hindi ko mapahalagahan. Siguro kulang lang ako sa tulog, pero kabilang na nga ako sa samahan ng MASA (Masandal Tulog). Ilang beses ko ng napatunayang sandali ko lamang matatakasan ang realidad sa pamamagitan ng pagpikit ng aking mga mata at pagsarado sa kung anumang maaaring gumimbal sa aking kasalukuyan. Kailangan ko na namang tanggapin na ito ang buhay...ngayon ang bukas, ngayon ang kahapon...ang nakaraan ay minsan ng naging kasalukuyan, ngunit akin lamang pinalipas nang walang pagbabakasakali, nang hindi man lang naisip kung saan nga ba tutungo.


Ako ay isang manlalakbay, uhaw sa kaalaman, gutom sa karunungang makapagbibigay kalutasan sa sa hindi maipaliwanag na kakulangan. Nakasabit lang ba ako sa isang baging handang bumigay? Matapos ba ng paghihirap at pagtitiis, malalaglag lang sa bangin ng kasinungalingan at pagkukunwari? O ang paglalakbay na ito'y mayroong patutunguhan?