umiiyak ang sanggol,
naghahanap ng init
mula sa mga palad na minsan nyang nakagisnan
subalit ngayo'y naglaho sa itim na usok ng pagkakataon...
dinggin mo ang ungol,
buksan ang mga mata sa dalamhati, pighati at pagpapakasakit
na noon pa'y nariyan na...
makinig ka...
hinding-hindi na matatakasan pa
sapagkat karugtong nito ng iyong bawat paghinga;
ang dugong dumadaloy sa iyong pusod
ay iyong dugong dumadaloy sa puso ng sanggol,
nagsusumamo,
tumitibok
para mahalin,
para arugain...
kaibigan, kailan ka huling tumingin sa salamin?
ikaw pa rin ang sanggol...
ikaw pa rin ang umiiyak mula sa kanyang paglisan
pakinggan ang puso,
mula sa pagkakabihag, ito'y pakawalan mo